Saturday, August 27, 2005

Vulcaseal Commercial

Hindi na ito madalas maipalabas ngayon eh, pero nakakatuwa yun. Yung patalastas ng vulcaseal na Walang Lusot sa Tapal King. Pansin mo din ba na di lang ito basta patalastas ukol sa pantapal ng butas? Tinitira din kasi nito ang ilan sa di magandang pag-uugali nating mga Pilipino.

Sa isang ad, may isang batang di pinalusot si Tapal King. Nakita na kasi na may nakasulat ng “Bawal Tumawid Dito,” ay pinagpilitan pa rin ng binata na tumawid. Impossible din kasing di nabasa ng binata ang nakasulat dahil ang laki-laki nito at kulay pink pa kaya’t kitang kita. Mahirap nga kayang intindihin ang salitang BAWAL? Lalo na siguro kung ikaw ay nagmamadali.(Di ako gaanong magmamarunong sa usapin ukol sa pagsunod sa lahat ng bawal. Aaminin kong maraming beses din akong di sumusunod eh. Mahabang usapin yun, tsaka na.)

Yung isang patalastas naman, halos inumaga na sa pag-uwi ang asawang lalake sa kanilang tahanan. Inantay pa man din siya ng kanyang asawa. Walang lusot si mister, dahil pinagbuksan siya ng ilaw ni Tapal King upang magising ang misis nito at mahuli siya sa akto.

Maganda, nakakatuwa, nakakatawa --- ito ang mga una kong reaksyon sa vulcaseal commercials. Pero ng lumaon, naisip ko na mahalaga na may patama ang mga ito sa mga pangit at mali na pag-uugali nating mga Pinoy. Dahil di nga naman tama ang di sundin ang mga pinagbabawal; di maganda na umagahin sa pag-uwi ang isang mister, pag-antayin ang misis at magbalak pang lumusot sa pagkakasala. Nararapat nga na di palusutin ang mga ganitong pag-uugali. Maliit man na kasalanan kung titignan sa simula, maaari itong pagmulan ng mas malaki at mas pangmalawakang pagkakasala at pagkakamali.

Layunin ng bawat Pilipino ang magbantay at di palusutin ang mga di kanais-nais na pag-uugali ng kanyang kapwa. Di dapat palusutin ang mga maling mga pangyayari sa ating mga paligid. Dahil ang lahat ng ito, ang bawat pagkilos ng bawat isa ay may koneksyon sa iba. Aminin man natin o hindi, ang ating mga pagpili ay may epekto, maliit man o malaki, sa ating kapwa.

Pero ayokong gamitin ang “TAPAL KING.” Hindi kanais-nais na ang bawat Pilipino ay magsilbing TAPAL KING sa kanilang paaralan, sa kanilang trabaho o sa kanilang tahanan. Sa di natin pagpayag na palusutin ang mga kamalian sa ating paligid, wag sana nating gamitin ang salitang TAPAL o PAGTAPAL.

Ang salitang Tapal kasi ay kasing kahulugan ng Takip - - Pagtapal o PAGTAKIP. At ang pagtatakip ay minsan, kung di man madalas, ay may negatibong ibig sabihin. Gusto kong gamitin ang sira-sirang daan ng EDSA bilang halimbawa sa di magandang naidudulot ng walang-hangganang pagtatapal. (para sa mga bumibisita sa blog ko, oo, matindi talaga ang isyu ko sa EDSA)

Pansinin mo ang daan, tapal dito – tapal doon. Lalo na sa may Guadalupe, yung sa pagitan ng Rockwell at Buendia. Naku po! Maaari na ata itong maikumpara sa ilang mga daan sa mga probi-probinsya na puno ng mga bato-bato. O sige, di naman ganoon ka mabato, pero hindi siya kagandahan. Bakit ganun? Tapal lang kasi ng tapal ang naging tugon para sa mga butas sa daan. Kapag may butas, agad tinatakpan ng aspalto. Kahit papaano, ok na sana na tinapalan, kaso ni hindi man lang nag-angkop ng sandali pang panahon para man lang sana pantayin ang itinapal na aspalto sa daan. Yung bang, basta tinakpan na lang nila. Kaya ang resulta, di pantay-pantay ang daan. Kawawang mga sasakyan, animo’y di National Highway ang dinadaanan. May bagong butas, tatapalan na naman.

Oo, naiintindihan ko na iyon ang pinaka-mabilis na paraan para ayusin ang mga butas. Pero sa tinagal-tagal ng panahon, baka naman maganda ding magsakripisyo ang lahat para maayos ng mabuti ang mga daan. Ano ba naman kung planuhin at ayusin na talaga natin ang mga butas na iyan? Yung sa tamang pamamaraan naman.

May hangganan ang pagtapal, ang pagtakip. Marahil sa simula makakatulong ito, pero mahalagang tignan din natin ang bukas sa mas malawakang perspektibo.

Kahit sa paggamit ng vulcaseal halimbawa, sa butas ng ating mga bubong. Sa simula, makakatulong ang pagtapal. Pero di magtatagal at mawawala din ang bisa nito, tatapalan mo na namang muli? Ng ilang beses pa? Ilang beses mong uulit-ulitin ang pagtapal? Hindi kaya’t mas maganda kung sa pangalawa, o sige na sa pangatlong beses, ay makaisip ka naman ng ibang solusyon sa iyong problema. Kung magtabi ka kaya ng kaunti. Mag-ipon para sa nalalapit na panahon ay mapalitan mo ng mas matibay na bubong ang iyong tahanan. Nang sa ganoon maaari mo ng pag-ukulan ng panahon ang ilan pang bagay na matagal mo ng dapat iniayos o ginawa kaya lang naubos ang iyong panahon sa pagtatapal ng butas na iyong bubong.

Ang mga butas sa ating mga bubong at sa EDSA ay maliliit lamang na mga butas na pilit na tinatapalan at tinatakpan sa mahaba ng panahon. May mas malalaking butas sa ating bansa ang pilit na pinagtatakpan, tinatapalan ng mga kung sinu-sino. Sana nga mas maaninagan natin ang kapangitan ng mga ito upang maimbitahan naman tayong mas kumilos para sa pagbabago.

0 Comments:

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

<< Home